MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Supreme Court spokesman Atty. Midas Marquez na hindi pa nila inaaksiyunan ang administrative complaint na nakahain laban kina Associate Justices Antonio Carpio at Ma. Lourdes Sereno na isinampa ni Palunpundan, Negros Occidental Mayor Magdaleno Pena.
Paliwanag ni Marquez, bagamat natanggap na nila ang reklamo ay ang ethics committee na ang bahala sa nasabing usapin. Sinabi rin ni Marquez na bagamat hindi niya alam ang kung ano ang gagawin ng korte sa nasabing reklamo, impeachable officials naman ang mga mahistrado at ang Kongreso na ang bahala dito.
Subalit mayroon umanong mga kaso na ang mga incumbent justices ay napaparusahan tulad ng pagbawi sa allowance nito tulad ng nangyari kay Justice Purisima na ama ni Finance Secretary Cesar Purisima na ibinaba ang Bar examinations fee nito mula P1 milyong hanggang P500,000 noong 1999.
Gayundin ang nangyari kay Justice Ruben Reyes na dating Court of Appeals Justice na nasuspinde indefinitely at pinagmulta ng P500,000 bagamat nakapagretiro pa rin ito.
Nag-ugat ang reklamo kay Carpio at Sereno dahil sa umano’y pagpeke ng November 13, 2002 ruling ng SC First Division na pumapabor sa Urban Bank kung saan binigay nito ang lahat ng legal remedies upang maiwasan ang paglipat ng ari-arian na ino-auctioned.