Mercury sa pasta sa ngipin nakakalason
MANILA, Philippines - Inihain muli ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng mercury bilang pang-pasta sa ngipin dahil nakakalason umano ito.
Sa Senate Bill 2990 o “Mercury in Dental Fillings Prohibition Act” sinabi ni Santiago na itinuturing na delikado sa kalusugan sa at maging sa kalikasan ang mercury.
Pero kahit na umano nakalalasong kemikal ang mercury, patuloy pa rin itong ginagamit sa Pilipinas at nagiging component ng dental fillings o pasta sa ngipin.
Ang tinatawag umanong “silver filling” ay nagtataglay ng 42 hanggang 58 porsiyentong mercury kung saan mistulang naluluto ang mga consumers dahil sa paggamit ng salitang “silver”.
Mas maraming mercury umano ang ginagamit sa dental fillings kaysa sa silver na hindi alam ng marami na delikado sa kalusugan.
“Consumers may be deceived by the use of the term “silver” to describe a dental amalgam, which contains substantially more mercury than silver,” ani Santiago sa kaniyang panukala.
Ibinabala ni Santiago na maaring pumasok sa bloodsteam ng isang tao ang mercury kapag ito ay nalalanghap na makakaapekto sa utak at kidneys.
Napatunayan na rin umano ng siyensiya na nagiging sanhi ng birth defects ang mercury.
Ayon sa World Health Organization, umaabot sa 27 micrograms bawat araw ang average na daily intake o pumapasok sa katawan mula sa “dental amalgam.”
Idinagdag ni Santiago na marami ng alternative na maaaring magamit sa dental fillings kaya panahon na upang magkaroon ng batas na magbabawal sa paggamit ng mercury bilang pang-pasta sa ngipin.
- Latest
- Trending