P31-M PAMANA fund sa ABB itinanggi ng Malacañang
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ng Malacanang na nagkaloob ito ng P31 milyong pondo mula sa PAMANA fund sa Alex Boncayao Brigade (ABB).
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang katotohanan na nagbigay ang gobyerno ng P31-M na pondo para sa ABB.
Idinagdag pa ni Valte, ang PAMANA ay programa ng gobyerno na nagbibigay ng tulong para sa alternative livelihood at para sa pag-unlad ng komunidad.
Walang sinumang grupo ang nakakakuha ng pondo mula sa PAMANA kundi ang mismong komunidad na natukoy ng LGU’s ang magiging beneficiary nito.
“Wala hong grant to the ABB. Walang hong katotohanan yung umiikot na mayroon daw P31 milyon na ibinigay pong grant to the ABB,” paglilinaw pa ni Valte.
Samantala, idinepensa naman ni Presidential Peace Advicer Sec. Teresita Deles ang paglalaan ng gobyerno ng P31 milyon para sa livelihood projects ng mga komunidad na kontrolado ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa sa Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB).
Sinabi ni Deles, ang nasabing pondo ay bahagi ng kampanya ni Pangulong Aquino sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA).
Aniya, layunin nito na matapos na ang lahat ng armadong hidwaan tulad ng kaso ng Cordillera Peoples Liberation Army (CPLA) na ngayon ay isang socio-economic organization mula sa pagiging armed group.
Wika pa ni Deles, sa panukala ng gobyerno sa RPMP-RPA-ABB ay bibigyan ang lahat ng miyembro ng pondo sa kanilang paghahanapbuhay na hindi naman kailangang isuko ang kanilang mga armas pero dapat ay iparehistro na nila ito.
- Latest
- Trending