MANILA, Philippines - Upang masiguro na hindi maabuso ng pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at ng kakumpitensyang Digital Telecommunications Philippines Inc.(Digitel) ang merkado kayat isinusulong ni Quezon City Rep. Winnie Castelo ang pag amyenda sa Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of 1995.
Nais ni Castelo na magkaroon ng sapat na kapangyarihan ang National Telecommunications Commission (NTC)na maipatupad ang kondisyong nakapaloob sa PLDT-Digitel merger at tiyakin na ito ay maisasakatuparan.
Ginawa ni Castelo ang mungkahi sa gitna ng inisyung pahayag ng NTC na nagbigay ito ng “conditional approval” sa pagsasanib ng PLDT at Digitel upang makaiwas sa aniya’y “bigger PLDT”kung saan kontrolado nito ang 70 porciento ng telecommunications market sa bansa.
“The focus of the proposed amendments on RA 7925 is mainly on the bigger PLDT,” ayon kay Castelo bagama’t tiniyak niya na ang pagsasanib na ito ay mauuwi sa monopoly.
Nais ni Castelo na maamiendahan ay probisyong “significant market power” upang mabawasan ang posibilidad na maabuso ng PLDT ang merkado.
Isa pang isinulong ng kongresista ay ang mapatatag ang NTC bilang isang collegial quasi-judicial body upang agad itong makapagpatupad ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya gayundin ang protektahan nito ang “end-users from monopolistic practices” at masiguro ang patas na kompetisyon.