Task force vs. katiwalian itatatag ng PNP
MANILA, Philippines - Upang mas mapatatag ang integridad ng kapulisan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III, bubuo ng isang grupo ang Philippine National Police (PNP) na magmamatyag sa mga tiwaling tauhan ng pulisya.
Sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr. sa ginanap na Communication and News Exchange (CNEX) Forum, minamatyagan ngayon ng PNP ang ilang tiwaling pulis na nag-uutos sa kanilang tauhan upang magpanggap na pulubi at lumalapit sa mga sasakyan upang manghingi ng tulong pinansiyal kasabay ng pagbuo sa isang grupo na mag-iimbestiga dito.
Ayon pa sa PNP spokesman, may ilan ding naghahagis ng gulay o nilamukos na bente pesos sa ilang checkpoint ng kapulisan na sa ngayon ay nasa ilalim ng kanilang imbestigasyon at sakaling mapatunayan ay posibleng maharap sa kaukulang kaso ang sinumang tauhan ng PNP na gumagawa ng naturang anomalya.
Kung sakaling maaktuhan man, ipapatawag ang mga naturang byahero ng gulay o isda, at maging ang ilang driver ng pampublikong sasakyan kasabay na rin ang pagbibigay ng babala sa nasangkot na opisyal ng pulisya.
Base sa opisyal, iniutos na rin mismo ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na sampahan din ng kaso ang mga taong nagbibigay ng kotong sa mga tauhan ng pulisya upang tuluyang mawala ang korapsyon sa kanilang hanay.
- Latest
- Trending