PNP full alert na sa Undas
MANILA, Philippines - Isinailalim na kagabi ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang 135,000 malakas na puwersa nito upang matiyak ang mapayapa at matiwasay na paggunita sa Undas.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., aabot sa 6,000 pulis ang idedeploy sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila kabilang ang mga naglalakihang sementeryo tulad ng Manila North at South cemetery, Loyola Memorial Park at iba pa.
Mahigpit ring binabantayan ang mga bus terminal, daungan at pa liparan kaugnay ng inaasahang ‘exodus’ ng mga mamamayan na tutungo sa mga probinsya para dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa iba’t-ibang sementeryo.
Handa na rin ang mga ahensiyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Dept. of Transportation and Communication (DOTC) tulad ng LTFRB, LTO, Marina MRT, LRT at iba pa para magbigay ng alalay sa taumbayan na tutungo sa mga lalawigan.
Nais anilang masiguro ang kaligtasan ng libu-libong katao na tutungo sa mga probinsya lalo na at mahaba ang bakasyon matapos na ideklara ni Pangulong Aquino ang araw ng Lunes (Oktubre 31) bilang non-working holiday habang ang araw ng Martes ay siya namang mismong paggunita sa Undas.
- Latest
- Trending