MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na kailangan ang credible na 3rd party medical opinion ng Department of Justice bago nito payagang makalabas ng bansa si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo para sa kanyang medical treatment sa ibang bansa.
“If we are to use only our opinion or our political consideration or for instance the statement of Pampanga Rep. Arroyo, both statements will be subject to suspicion. So we really need a third-party credible medical opinion to say one way or the other,” pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Kabilang sa magiging option ni Justice Sec. Leila de Lima bago bigyan ng go signal ang paglabas ng bansa ni CGMA ay tignan muna ang medical opinion ng mga doctor nito sa St. Luke’s Medical Center na nag-opera sa dating pangulo.
Magugunita na humihingi ng clearance sa DOJ si CGMA para makalabas ng bansa patungo sa anumang bansa sa Singapore, Austria o Germany para sa kanyang medical treatment.
Ang nasabing mga bansa ay pawang walang extradition treaty sa Pilipinas.
Samantala, walang balak ang Kamara na bawiin ang inisyung travel authority kay Arroyo sa kabila ng dalawang subpoena na inisyu laban dito ng DOJ.
Katwiran ni Artemio Adasa Jr., deputy secretary general ng Kamara, nasa Department of Foreign Affairs at DOJ na ang pagpapasya kung papayagan si Arroyo na makaalis ng bansa dahil nasa ilalim ito ng kanilang watchlist order.
Iginiit ni Adasa na binigyan ng otoridad ang dating pangulo na makalabas ng bansa bilang bahagi ng humanitarian reason dahil sa kagustuhan ng pamilya nito na maipasuri sa iba pang medical expert dahil sa sakit na cervical spondiolosis at ang nadiskubreng hypoparathyroidism nito.
Sinabi naman ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni GMA na handang handa nang bumiyahe ang dating pangulo matapos na mag-isyu ng clearance ang mga doktor nito mula sa St. Luke’s. (Rudy Andal/Gemma Garcia)