MANILA, Philippines - Bilang na ang mga araw ng grupo ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Commander Waning Abdusalam kaugnay ng isinasagawang air at ground operations ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa Payao, Zamboanga Sibugay.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Nicanor Bartolome kaugnay ng operasyon upang mapanagot sa batas sina Abdusalam na may warrant of arrest sa kasong kidnapping for ransom, murder at extortion.
Target ng strike operation sa Zamboanga Sibugay ang MILF renegades na sangkot sa serye ng pag-atake sa Basilan, Zamboanga Sibugay at Lanao del Norte na ikinasawi ng 35 katao, 25 rito ay mga sundalo na nagsimula noong Oktubre 18.
Sinabi ni Bartolome na napapalibutan na ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang kuta nina Abdusalam sa Sitio Talaib, Brgy. Balatan sa bayan ng Payao habang bantay sarado rin ang karagatan sa mga elemento ng Philippine Navy at Special Action Force ng PNP.
Kabilang pa sa sisilbihan ng warrant of arrest ang Jakaria brothers na sina Potot at Ogis gayundin sina Furuji Indama, Long Malat, Laksaw Dan Asnawi at walo pang kasamahan ng mga ito.
Inihayag naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na handa silang magsagawa ng operasyon sa Basilan at kung magtago sa idineklarang Areas of Temporary Stay (ATS) ng MILF ang mga tinutugis na wanted ay papasukin nila ito sa pakikipagkoordinasyon sa Coordinating Committee on Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group.
Samantala, inihayag ni Chief Supt. Elpedio de Asis, Provincial Director ng Zamboanga Sibugay na ipinatupad na ang curfew sa buong lalawigan kaugnay ng puspusang operasyon upang malansag ang grupo ni Abdusalam.