HS dropouts bumaba
MANILA, Philippines - Nagbubunga na ang pagsusumikap ng Department of Education (DepEd) na mabawasan ang bilang ng mga mag-aaral sa high school na nagda-drop-out matapos na umabot sa halos 2,000 secondary schools ang makapagtala ng ‘zero drop-out rate.’
Nabatid na mas mataas ang naturang bilang ng 3,000 porsiyento kumpara sa 56 secondary schools na naitala noong nakaraang taon.
Nangunguna sa listahan ang CARAGA region kung saan 187 high schools ang nakapagtala ng zero drop-out rate, kasunod ang Region 8 (127).
Nakapagtala rin nang zero drop-out rate ang Region 1 (84 high schools), Region 2 (83), Region 3 (56), Region 4A (60), Region 4B (35), Region 5 (41), Region 6 (41), Region 7 (86), Region 9 (98), Region 10 (42), Region 11 (32), Region 12 (60), ARMM (99), CAR (39) at NCR (24).
Ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro, sa kasalukuyan ay aabot na sa 46,000 estudyante ang nailigtas mula sa pag-drop-out sa paaralan dahil sa intervention ng DepEd sa ilalim ng Drop-Out Reduction Program nito.
Samantala, inihayag kahapon ng DepEd na isasapubliko nila ang lahat ng kanilang gastos sa susunod na taon para sa isinusulong na ‘transparency’ sa kanilang tanggapan.
Layunin nilang mapanatiling kaagapay ang publiko sa plano nitong pagandahin ang basic education sa bansa kung kaya kahit ang isang kusing na gagastusin nila ay dapat malaman ng mamamayan.
Nabatid na pumasa na sa Kongreso ang panukalang P238.8 bilyong budget ng DepEd at tinatalakay na rin sa ngayon ng Senado.
- Latest
- Trending