PNoy kinalampag sa bentahan ng dugo ng OFWs sa Saudi
MANILA, Philippines - Umapela si Lipa Archbishop Ramon Arguelles kay Pangulong Noynoy Aquino laban sa umano’y talamak na bentahan ng dugo ng mga overseas Filipino workers sa Saudi Arabia.
Ayon kay Arguelles, nakakaalarma ang sitwasyon ng mga OFWs sa Saudi para lamang may maipadalang pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Dapat umanong tingnan ng Pangulo ang ulat na isang seryosong usapin dahil ipinapakita lamang ng mga ito sa ibang lahi ang tunay na kondisyon ng bansa. Aniya, indikasyon ito ng pagiging miserable at kaawa-awang buhay ng marami sa mga Filipino na nasa abroad dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas.
Giit ni Arguelles, dapat ng kumilos at tulungan ng administrasyong Aquino ang mga OFW na ito bago pa mapariwara ang kanilang buhay at masangkot sa hindi magandang gawain.
Inihalimbawa din ng Arsobispo ang kalagayan sa Pilipinas na maraming walang trabaho kaya nagbibenta na lamang ng kanilang organ gaya ng kidney para lamang mapakain ang kanilang pamilya.
Dagdag trabaho lamang umano sa bansa ang kailangan upang maiwasan ang kaawa-awang sitwasyon ng mga OWFs.
- Latest
- Trending