MANILA, Philippines - Nakakuha na ng hustisya ang tatlong Pinay na isinadlak sa prostitusyon matapos hatulan ng Malaysian court ng 8 taong pagkabilanggo ang isang Pinay at mister nitong Malaysian na nag-recruit at nagpuslit sa kanila sa nasabing bansa.
Sa report ni Ambassador Eduardo Malaya ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur sa Department of Foreign Affairs (DFA), napatunayan ng Jalan Duta Sessions Court 14 noong Oktubre 14 na guilty sa kasong human trafficking ang Malaysian na si Kwong Tuck Choya at misis na Pinay na si Nancy. Pinagmumulta rin ang mag-asawa ng RM30,000 (US$10,000) o RM5,000 (US$1,666) sa kada akusado.
Sa reklamo ng tatlong Pinay na itinago sa mga pangalang Dynalyn, 23; Rhea, 23; at Sarah, 24, ipinuslit sila sa Pilipinas patungong Malaysia at isinadlak sa prostitusyon noong 2009.
Nagbigay ng testimonya ang tatlong Pinay laban sa mag-asawang recruiter bago sila umuwi sa Pilipinas.
Samantala, inaabangan na rin ng Embahada ang gagawing criminal prosecution sa isa pang Singaporean national na nakilalang si Alfred Lim na dating may negosyo sa Malaysia matapos na ipagharap ng kasong human trafficking ng dalawang Pinay noong 2009.