MANILA, Philippines - Patuloy pa rin ang operasyon ng Doctor on Boats sa pagtulong sa mga naapektuhan ng tubig-baha na sinalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel sa bahagi ng Central Luzon. Ang nasabing programa ng Philippine Medical Association (PMA) ay nakapagpamahagi na ng water disinfectant sa walong barangay sa Pampanga na natukoy sa isinagawang water sample testing na positibo sa Escherichia coli (E.coli) bacteria ang tubig na nagmumula sa kanilang water pumps (poso). Ang PMA Doctor on Boats na binubuo ng 15 teams at kinabibilangan ng 10 doctors, psychiatrists at psychosocial counselors ang humaharap sa mga problemang pangkalusugan ng mga nasalantang pamilya sa Bulacan, Pampanga at Tarlac. Sinabi ni Dr. Michael Aragon, tagapagsalita ng PMA, kabilang sa kontaminado ng E.coli bacteria ang mga Barangay Sapang Kawayan, Niguil, Sagrada Familia, Bagang, Alaull, Baco at ang Barangay Iscundo sa bayan ng Masantol, Pampanga.