MANILA, Philippines - Sinampahan ng reklamong electoral sabotage sa Department of Justice–Commission on Election (DOJ-Comelec) Task Force kahapon ni Sen. Aquilino Pimentel III si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, dating FG Mike Arroyo at mahigit sampung indibidwal kabilang ang ilang opisyal ng pamahalaan na sinasabing nagsabwatan sa pandaraya sa 2007 elections.
Tiniyak niya na isang non-bailable o walang piyansa ang kasong kakaharapin ng mga respondents.
Ito’y naging dahilan umano sa “erroneous proclamation of a non-winner,” o ang proklamasyon kay Juan Miguel Zubiri, sa pagka-senador na kusa namang binakante ang posisyon nang pumutok ang isyu sa dayaan nitong taong kasalukuyan.
Kabilang din sa isinabit sa reklamo ang isang Bong Serrano, dating political adviser Gabriel Claudio, dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, dating Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer, Atty. Michael Abas, Ben Basiao ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (AFP), John Oliver Llaban, dating Justice Sec. Alberto Agra, Atty. Andrei Von Tagum, Romy Dayday, Jeremy Javier, at John at Jane Does.
Sinabi ni Pimentel na ang kaniyang isinampang reklamo ay batay na rin sa testimonya nina dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol, dating Maguindanao Administrator Norie Unas, dating ARMM Gov Zaldy Ampatuan, election supervisors Lilian Radam at Yogie Martirizar.
Sinabi ni Pimentel na sa mga darating na araw ay posibleng makasama sa kakasuhan si dating Sen. Juan Miguel Zubiri na benepisaryo ng nangyaring dayaan.
Tiniyak naman ni DOJ Assist. Secretary Zabedin Asis na sa lalong madaling panahon ay reresolbahin nila ang inihaing reklamo ni Pimentel. Nilinaw ni Justice Sec. Leila de Lima na walang magiging epekto ito sa imbestigasyon ng Senado.