RP posts sinasanay ng Comelec sa eleksyon
DUBAI: Sinisimulan na ng Commission on Elections ang paghahanda sa susunod na halalan sa Pilipinas lalo na ang sa paglahok dito ng mga Overseas Filipino worker at iba pang mga migranteng Pilipino sa iba’t-ibang bansa sa mundo.
Dahil dito, ayon sa isang ulat kahapon ng Khaleej Times, sinasanay na rin ng Comelec ang 18 diplomatic post sa Middle East at Africa mula pa noong Lunes para sa Overseas Absentee Voters’ (OAV) registration na naunang itinakdang simulan sa Oktubre 31.
Kauna-unahang isasagawa sa United Arab Emirates at sa Gitnang Silangan ang ganito bukod sa apat pang piling lugar.
Tinatarget ng aktibidad na maabot kahit isang milyong bagong registrant mula sa 2.4 milyong potensyal na botanteng Pilipino sa buong mundo.
May iba pang team na nagsagawa ng kahalintulad na pagsasanay sa mga diplomatic post ng Pilipinas sa Hong Kong, Jakarta, sa Indonesia at San Francisco sa United States at Milan sa Italy.
Ayon kay Comelec Commissioner Elias R. Yusoph na nanguna sa team, ang mga dayuhang Pilipino na gustong magkaroon ng boses sa Kongreso ay dapat magparehistro at bumoto sa susunod na pambansang halalan na pipili ng mga senador at kongresista o representante.
“Hinihikayat ko kayo na lumabas at bumoto dahil, kung lahat ng isang milyong bagong registrant ay lalabas at boboto, tiyak na mananalo ang mapipili ninyong partylist representative. Sa pagboto sa 2013 national election, magagampanan ninyo ang inyong tungkulin bilang mamamayan,” paliwanag pa niya.
Binuksan noong Lunes nina Yusoph at Philippine Consul-General Benito B. Valeriano sa Dubai ang Committee on Overseas Absentee Voting’s (COAV) Training on the Resumption of Continuing Registration programme.
Ang pagsasanay ay dinaluhan ng 36 na cons at attached ng mga embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, Abuja ng Nigeria, Amman ng Jordan, Beirut ng Lebanon, Cairo ng Egypt, Damascus ng Syria, Doha ng Qatar, Kuwait, Manama ng Bahrain, Muscat ng Oman, Nairobi ng Kenya, Pretoria ng South Africa, Riyadh ng Saudi Arabia, Tehran ng Iran, Islamabad ng Pakistan at New Delhi ng India.
- Latest
- Trending