P425-M dagdag pondo sa PAGASA
MANILA, Philippines - Tumanggap ng karagdagang P425 milyong pondo ang PAGASA mula sa Malacañang.
Ayon kay DOST Undersecretary Graciano Yumul, ang naturang pondo ay ipambibili ng mga bagong doppler radar bilang dagdag kagamitan ng ahensiya sa panahon ng pagkilatis sa mga kalamidad na darating sa bansa para mabigyan ng paunang abiso ang mamamayan at makaiwas sa matinding epekto ng mga bagyo sa bansa.
Anya, ang bibilhing Doppler radar ay ilalaan sa Palawan, Mindoro, Panay at Zamboanga Peninsula dahil madalas na itong tamaan ng kalamidad sa ngayon.
Sa kasalukuyan, may 10 Doppler radar ang PAGASA kung saan lima dito ay operational na nasa Baler, Aurora; Subic, Zambales; Tagaytay City, Baguio City at Hinatuan Surigao del Sur habang ang lima ay under installation pa.
Umaasa si Yumul na pagsapit ng taong 2016, aabot na sa 14 hanggang 15 Doppler radar mayroon ang PAGASA matapos mangako ang Japan International Cooperation Agency (JICA) ng tatlong Doppler radar.
Ang Doppler radar ang ginagamit ng PAGASA sa pagsukat ng lakas ng hangin at dami ng dalang ulan ng isang bagyo.
- Latest
- Trending