Hinay-hinay kay GMA - Belmonte
MANILA, Philippines - Pinagdadahan-dahan ng liderato ng Kamara ang Malacañang sa pagsasampa ng mga kaso laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kay House Speaker Sonny Belmonte, kailangang maglabas muna ng matibay na katibayan ang gobyerno bago isampa ang kaso.
Nababahala ang House speaker na matulad lang ito sa mga malabnaw na impeachment noon na isinampa laban kay Arroyo na naibasura dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Mas mabuti umano kung magiging sigurado ang hakbang ng gobyerno para mapapanagot ang mga nagnakaw sa kaban ng gobyerno.
Una nang inihayag ng Palasyo na posibleng maisampa na sa susunod na buwan ang sangkatutak na kaso laban kay Arroyo at mga umano’y kasabwat nito.
Sa kabila nito, inihayag din nito na kampante naman ang Pangulo na malakas ang ebidensya para isulong ang kaso laban sa dating Presidente.
Deretsahang sinabi ni Aquino sa kanyang pagsalita sa Annual Forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) na sa Nobyembre na isasampa ang kaso hinggil sa mga anomalya ng nakaraaang administrasyon na kinakalkal ngayon ng mga legal experts ng Malacañang.
- Latest
- Trending