Nagsabwatan sa 2nd hand chopper Mike A, Puno at Versoza kinasuhan
MANILA, Philippines - Tuluyan ng sinampahan ng Senate Blue Ribbon Committee ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo, dating Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, dating PNP chief Jesus Versoza at 16 iba pang mga opisyal ng Negotiation Committee ng PNP, Bids and Awards Committee at ilang NAPOLCOM oversight committee dahil sa umano’y pagsasabwatan kaugnay sa maanomalyang pagbili ng second hand na PNP helicopters noong 2009.
Inilabas kahapon ni Sen. Teofisto Guingona ang report ng komite bago siya nagtungo sa Office of the Ombudsman kasama sina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Aquilino “Koko” Pimentel Jr. upang isampa ang kaso.
Ayon kay Lacson, ito ang unang pagkakataon na nagsampa ng asunto sa Ombusman ang mga miyembro ng Blue Ribbon.
Sinabi naman ni Guingona na maliwanag ang pagkakaroon ng conspiracy o sabwatan at walang lumutang upang kontrahin na hindi mga second hand ang ipinagbiling helicopters sa PNP.
“Nagkaisa. Sama-sama sa panloloko. Sama-samang dapat managot si Mike Arroyo, Ronaldo Puno, Jesus Versoza, at ang mga taga-PNP. Walang nagsalita. Walang kumontra. Sabay-sabay ang galaw para lokohin ang Pilipino,” pahayag ni Guingona.
Nakasaad din sa report na si Arroyo ang totong may ari ng dalawang helicopters na naibenta bilang bago sa PNP kung saan nawalan ng nasa P62 milyon ang mga mamamayan.
Bukod sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sinampahan pa ng hiwalay na kasong paglabag sa Government Procurement Reform Act sina Versoza, Luizo Cristobal Ticman, Ronald Dulay Roderos, Romeo Capacillo Hilomen, Leocadio Salva Cruz Santiago Jr., Ermilando Villafuerte, Roman Loreto, Jefferson Pattaui Soriano at Herold Ubalde.
Inirekomenda rin ng komite na itaas ang minimun na parusa sa 12 taong pagkabilanggio mula sa 6-15 taon.
Hindi naman kinasuhan si Archibald Po, may-ari ng Lionair at inirekomendang maging testigo sa kaso.
Hindi rin isinama sa mga inireklamo si Negros Occ. Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo sa kabila ng ginawang pag-amin na ang kompanya niyang Lourdes T. Arroyo (LTA) ang may-ari ng dalawang helicopters na ibinenta sa PNP.
Pero ayon kay Guingona, dapat ipagharap ng reklamo sa Ethics committee ng Kamara si Arroyo dahil sa ginawang tangkang pagtatakip sa kaniyang kapatid na si Mike A.
Ayon kay Guingona, wala naman silang nakitang criminal liability sa panig ni Rep. Arroyo pero dapat silipin ng ethics committee ang tangkang pagtatakip nito sa katotohanan tungkol sa chopper scam.
Ipapaubaya na rin umano ng komite sa Ombudsman kung dapat sampahan ng kaso sa Sandiganbayan si Rep. Arroyo.
- Latest
- Trending