Power-off kada araw vs taas ng kuryente
MANILA, Philippines - Nanawagan ang grupong Freedom from Debt Coalition (FDC) sa publiko na makiisa sa isasagawa nilang araw-araw na pagpatay ng lahat ng appliances sa bahay sa loob ng tatlong minuto bilang protesta sa patuloy na pagtaas sa singil sa kuryente.
Inumpisahan kahapon ng FDC ang kanilang kilos-protesta sa pagsasagawa ng “noise barrage” kahapon ng alas-6 ng gabi sa E. Rodriguez at Araneta Avenue sa Quezon City .
Sa araw na ito pamumunuan ng FDC ang isang malawakang patay-ilaw o power off kung saan tatlong minutong magpapatay ng ilaw ang mga lalahok na misis kasabay ng isang noise barrage mula- 7:30 hanggang alas-8:00 ng gabi.
Ayon kay FDC president Ana Maria Nemenzo, na tunay na pahirap para sa kababaihan ang muling pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa hirap na hirap ang mga maybahay na pagkasyahin ang kita nila sa pang-araw-araw na pangangailangan at dagdag na parusa ang taas sa singil sa kuryente.
Ayon sa Manila Electric Company (Meralco), nasa 9.19 sentimos kada kilowatt-hour (kwh) ang itataas ngayong Oktubre dahil sa 31.6 sentimos na itinaas na singil sa suplay na kuryente na nanggagaling sa mga “independent power producers (IPP)” at 11 sentimos na itinaas naman ng kuryenteng nabibili sa Wholesale Electricity Spot Market. Mas mababa naman umano ng 33 sentimos ang nakukuhang kuryente buhat sa National Power Corporation ngunit natatabunan ito sa itinaas ng mga IPPs at WESM.
Paliwanag pa ng Meralco, aabot sana sa 14.19 sentimos kada KwH ang itataas ngunit nabawasan ito makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission ang mas mababang singil sa “distribution charge” na umabot sa 5 sentimos kada KwH. Tatagal naman umano ang mas mababang distribution charge hanggang Hunyo 2012.
- Latest
- Trending