5 SPED center sa Caloocan suportado ni Recom
MANILA, Philippines - Patuloy ang pagbibigay ng suporta ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa limang Special Education (SPED) centers na minamantine ng lokal na pamahalaan upang mabigyan ng sapat na atensiyon ang mga batang may “development disorder”.
Ayon kay Echiverri, kabilang sa mga SPED centers na tinutulungan ng lokal na pamahalaan ay ang Caloocan Central Elementary, Cecilio Apostol Elementary, Bagong Silang Elementary, Bagong Silang High School at Caloocan High School.
Napag-alaman na sa limang SPED centers sa buong lungsod na sinusuportahan ng administrasyon ni Echiverri ay umaabot na sa tatlong daang estudiyante ang nabibigyan ng tulong ng lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na edukasyon sa mga batang nag-aaral sa SPED centers ay nadedebelop ang kakayahan ng mga estudiyanteng ito sa kanilang mga abilidad at natututo rin ang mga ito sa tamang pagharap sa kapwa tao.
Bukod sa pagdedebelop sa mga abilidad ng mga estudiyante ay tinuturuan din ang mga ito sa mga larangan ng sports, computers, music at iba pa na siyang magiging puhunan ng mga mag-aaral sa kanilang hinaharap.
Aniya, magpapatuloy ang pagbibigay ng lokal na pamahalaan ng suporta sa mga SPED centers.
- Latest
- Trending




















