MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng Alliance of Concerned Teacher (ACT) ang malaki umanong gastos ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa pagdiriwang ng World Teachers Day noong Miyerkules (Oktubre 5) sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ayon sa ACT, kapag sumasapit ang graduation day ay panay ang paalala ng DepEd sa kanila na magtipid at gawing simple pero memorable ang pagdiriwang ngunit ang isinagawang celebration ng WTD ng kagawaran ay pinabongga umano at ginastusan ng P1.2 milyon.
Sinabi ni ACT Partylist Rep. Antonio Tinio, habang gumagastos ang DepEd ng milyong piso ay nananatili namang hindi naibibigay ang kahilingan na P2,000 chalk allowance ng mga guro sa bansa.
Maging ang 3,000 buwanang suweldo ng mga guro sa kinder ay hindi pa rin umano naibibigay mula pa noong magbukas ang klase sa bansa nitong nakalipas na Hunyo.
Ani Tinio, ang P1.2 milyon ay maaari na sanang makapagtayo ng dalawa hanggang tatlong silid aralan na maaaring magamit ng mga mag-aaral.
Sa panig naman ng DepEd, sinabi ni Joey Pelaez, director ng Center for Students and Co-curricular Activities, tinipid na nga nila ng husto ang isinagawang pagdiriwang.
“Actually mura na ngang maituturing ang nasabing halaga kasi kasama na ang lahat gaya ng production, stage design, lighting, food at P250,000 papremyo sa mga guro,” depensa ni Pelaez.