Fil-Am na kinidnap ng Abu pinalaya na

MANILA, Philippines - Matapos ang 83-araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang bihag na Fil-Am sa liblib na lugar sa Sitio Suba Kampong, Brgy. Townsite sa bayan ng Maluso, Basilan noong Linggo ng gabi.

Sa ulat na nakarating kaha­pon sa Camp Crame, ki­nilala ang nakalayang bihag na si Gerfayeatte Lunsmann, na­kapag-asawa ng Aleman at ka­salukuyang nagbabakasyon sa bansa.

Nananatiling bihag ng mga bandido ang 14-anyos nitong anak na lalaki na si Kevin Eric Lunsmann.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang misis habang nag­lalakad sa nasabing lugar matapos itong pakawalan ng mga kidnaper.

Si Gerfayeatte ay isinaila­lim sa medical check-up sa Zamboanga City kung saan sinalubong ni Mayor Celso Lobregat at ng dalawang Fede­ral Bureau of Investigation (FBI) special agents na sina Jagdeep Khangura at Michael Paysan na nagmomonitor sa kidnapping ng mag-inang Lunsmann.

Ang mag-ina ay dinukot kasama ang pamangkin ni Gerfayeatte na si Romnick Jackaria, 19, matapos na du­mating mula sa Estados Unidos para magbakasyon sa Zamboanga City noong Hulyo 12.

Nabatid na ang mag-ina ay planong magtayo ng negosyo sa Sacol Island subalit naganap ang hindi inaasahang pagkakataon.

Sa tala ng pulisya, humingi ng $10 milyong ransom ang mga kidnaper sa pamilya ng mag-ina na naibaba sa $2 milyon pero walang impormasyon nakalap ang mga awtoridad kung nag­kabayaran ng ransom kapalit ng kala­yaan ng misis.

Show comments