'Kotong cops' pinadudurog kay Robredo
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon kay DILG Secretary Jesse Robredo ang pamunuan ng Meridien Vista Gaming na imbestigahan ang umano’y pagsalakay ng tinawag nilang “kotong cops” sa kanilang opisina sa isang bayan sa lalawigan ng Cavite.
Sa pahayag ni Raul Banderas, spokesman ng MVGC, walang ligal na basehan ang mga kagawad ng pulisya na naka-assign sa DILG sa ginawa nilang raid sa opisina nito sa Maragondon, Cavite.
Ayon sa opisyal, binalewala at inismiran lang din umano ng raiding team na pinamumunuan ng isang Guillermo ang valid documents na kanilang iprinisinta upang patunayang ligal at lehitimo ang gaming operations ng Meridien.
“Maging ang provisional permit na ipinagkaloob ng Games and Amusement Board sa Meridien at ang kautusan o injunction order ng Court of Appeals na pumipigil sa DILG at sa Department of Justice na pakialaman ang lehitimong hanapbuhay ng nasabing gaming company ay hindi iginalang at sa halip ay dinala pa rin ang kawawa naming mga empleyado sa kanilang headquarters sa Camp Crame nang hindi kami pumayag na ibigay sa kanila ang pera at computers,” pahayag ni Banderas.
“Hindi ba pangongotong ‘yang ginagawa nila?” tanong ni Banderas.
Ipinaalala rin ni Bandera kay Robredo na dapat ang kanyang mga tauhan ay tumutok sa mga mas mahahalagang concern kaysa maghabol sa mga iligal na sugal para maiwasan ang mga pangyayari tulad noong hostage crisis sa Luneta kung saan sumemplang ang gobyerno sa pagbigay ng tamang solusyon.
- Latest
- Trending