Bangkay sa ospital, punerarya bawal i-'hostage'
MANILA, Philippines - Gagawin ng isang krimen at paparusahan na ang mga ospital at punerarya na pumipigil ng bangkay dahil hindi makabayad sa medical o funeral services.
Aamyendahan ng House bill 5286 o “Expanded Patients Illegal Detention Act of 2011” na inihain ni Pampanga Rep. Carmelo Lazatin ang Republic Act 9439 of 2007.
Sa ilalim ng panukala, ang sinumang indibidwal na magbabawal o pipigil sa pagpapalabas ng pasyente o bangkay dahil hindi makabayad ay maaaring makulong ng 2 taon at pagmumultahin ng P200,000.
Sa ilalim umano ng batas, ang isang pasyente na nais lumabas subalit walang maipambayad sa ospital ay maaaring magpasa ng promissory note na may kasamang mortgage o garantiya mula sa isang co-maker.
Paliwanag ng mambabatas, karamihan sa mga ordinaryong Filipino ay hindi na makapagbigay pa ng promissory note, kayat hindi sila pinapayagang ilabas sa ospital o morgue ang bangkay.
Halos araw-araw umano ay maraming naiuulat na reklamo kaugnay sa ilang ospital at medical institutions na “nangho-hostage” ng pasyente o bangkay dahil hindi nabayaran ang medical bills. Hindi naman sakop ng panukala ang mga pasyente na nasa private rooms.
Ayon sa mambabatas, may ilang punerarya at morgue na hindi ibinibigay ang bangkay sa kaanak para mapuwersa itong magbayad sa ginastos nito.
Nakasaad pa sa panukala ang pagbubuo ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at PhilHealth at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng special programs para matulungan ang mga miyembro na hindi kayang magbayad ng medical o funeral bills.
Ang naturang mga ahensiya ang magbibigay ng promissory note kung ang pasyente ay mahirap.
- Latest
- Trending