VAT sa toll pinatitigil
MANILA, Philippines - Maituturing umanong “anti-poor” at anti-people” ang pagpapatupad ng 12-percent Value Added Tax (VAT) sa toll sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway simula ngayon, Oktubre 1, 2011.
Umapela rin si Balanga Bishop Ruperto Santos kay Pangulong Aquino na makinig sa hinaing ng taumbayan at ipawalang-bisa ang naturang kautusan dahil ang Presidente lamang ang makakapigil dito lalo pa’t aprubado na ito ng Korte Suprema.
Hinimok din nito si PNoy na taasan na lang ang sahod ng mga manggagawa upang maibsan ang kanilang pasanin bunsod ng pagtaas ng pasahe kapag ipinatupad ang 12% VAT sa toll sa SLEX at NLEX.
Ayon naman kay Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Bioethics Malolos Bishop Jose Oliveros, dagdag na pahirap sa bayan ang nasabing VAT lalo pa’t sunod-sunod ang dumaang kalamidad.
Wika ni Oliveros, walang ibang dapat na sumalo sa dagdag na buwis sa toll kundi ang kumpanyang namamahala dito dahil sila ang totoong kumikita at hindi ang taong bayan na kung tutuusin ay siyang nagbabayad ng tamang buwis.
Hinamon pa nito si PNoy na patunayan na ang taumbayan ang kaniyang ‘boss’ sa pamamagitan nang hindi pagpapatupad ng 12-percent VAT sa toll.
- Latest
- Trending