7 Pinoy nagkaka-AIDS kada araw
MANILA, Philippines - Pitong Filipino ang nahahawa ng nakamamatay na sakit na acquired immuno deficiency syndrome (AIDS) kada araw, kaya naman hiniling ng mga mambabatas na amyendahan na ang AIDS Prevention and Control law na itinatag 13 taon na ang nakakaraan.
Sa House Bill 5312, nais nina Reps. Maria Isabelle Climaco (Zamboanga City), Janette Garin (Iloilo), Jorge Banal (Quezon City), Kaka Bag-ao (Akbayan) at Arnel Ty (LPG-MA) na maglalaan ng P400 milyon para sa bagong National HIV and AIDS plan.
Sa ulat, mula Enero hanggang Hulyo ng taon, nakapagtala ng 1,220 bagong kaso ng HIV na mas mataas sa 940 kaso na naitala sa kaparehong buwan noong 2010.
Mula noong 1984, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng HIV-AIDS na naitala ng National HIV and AIDS Registry ay umabot na sa 7,235 kasama na dito ang 884 full-blown AIDS patients at 327 na namatay sa naturang sakit.
Nabatid na 9 sa 10 tao na may HIV-AIDS sa bansa ay nahawa dahil sa unprotected sexual contact, at ang nalalabi ay dahil sa kontaminadong karayom sa paggamit ng droga, mother-to-child conveyance, blood transfusion at needle prick injuries.
Kung hindi umano mapipigilan ay aabot sa 46,000 ang bilang ng mga Filipino na may HIV-AIDS sa 2015.
- Latest
- Trending