MANILA, Philippines - Iimbestigahan na rin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naganap na pagbagsak ng LBC Development Bank.
Sa inihaing House Resolution 1749 ni LPG Marketers Association (LPGMA) Sectoral party Rep. Arnel Ty, kailangan imbestigahan ng House committee on banks and financial intermediaries ang naganap na pagbagsak ng naturang banko.
Nabunyag na dahilan sa sobrang advances na ginawa umano sa sister company nitong LBC Express Inc. kaya nasira ang bangko.
“This could serve as a lesson for the BSP to henceforth be extra watchful when it comes to banks that have tie-ups with non-bank remittance firms, whether these are affiliates or not, but especially if these are affiliates of the banks concerned,” giit pa ng mambabatas.
Inihayag ng BSP na naging insolvent ang bangko dala na rin sa “unwarranted advances” sa LBC Express; tulad ng malalaking halaga ng non-performing at high-risk loans, at sobrang taas na interest rates sa mga deposits.
Nabatid na ang nasabing bangko ay may 321,516 accounts na may lamang P6.09 bilyong deposito nang maipasara.