MANILA, Philippines - Umaabot sa may 500 trabaho sa Japan ang pwedeng aplayan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ito ang nabatid sa POEA, kung saan magpapadala sila ng panibagong batch ng 500 Pinoy nurses at caregivers sa ilalim ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Bagama’t magiging assistant muna ang mga Pinoy nurse na ipadadala sa Japan habang pinaghahandaan nila ang pagkuha ng Japanese Licensure Exam para maging registered nurse doon, sasahod din sila ng hanggang 200,000 yen o katumbas ng nasa P100,000 kada buwan.
Kwalipikado sa nasabing posisyon ang mga graduate ng Bachelor of Science in Nursing, may board license, may tatlong taong work experience sa ospital at mayroong malusog na pangangatawan.
Sa Nobyembre magsisimula ang screening ng POEA sa mga aplikante.
Ipinayo naman ng POEA na mag-apply online sa pamamagitan ng www.poea.gov.ph at www.eregister.poea.gov.ph dahil mas madali ito lalo na para sa mga taga-probinsiya.