Screening sa mga Pinoy pa-Bangkok hinigpitan
MANILA, Philippines - Mas pinahigpit ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsala sa mga Pinoy na patungong Bangkok, Thailand bunsod ng ulat na ito ang ginagawang transit points ng overseas Filipino workers (OFWs) na patungo sa mga bansang saklaw ng ipinatutupad na deployment ban.
Sa direktiba ni BI Commissioner Ricardo David Jr. kay BI airport operations division acting chief Lina Andaman Pelia, sa NAIA, dapat mas masusi ang pagsala ng BI personnel sa mga Pinoy travelers na patungong Bangkok upang hindi umano magtagumpay ang mga sindikato ng human trafficking at illegal recruiters na nais baluktutin ang pagpapatupad ng deployment ban.
Nakataas ang deployment ban sa Iraq, Afghanistan, Lebanon, Jordan, Syria, Yemen, at Nigeria, na ginagawang destinasyon ng mga nire-recruit ng mga sindikato sa pamamagitan ng pagdaan sa Bangkok International Airport bilang jump-off point patungong Jordan at Lebanon.
Inihalimbawa dito ang pagharang sa isang lalaki na nagsilbing courier ng tatlong pasaherong babae, sa Bangkok-bound flight noong Agosto 22, 2011 at nadiskubreng sa Amman, Jordan ang kanilang tunay na destinasyon.
- Latest
- Trending