Zaldy malabo sa 'Witness' - DOJ
MANILA, Philippines - Malabong makapasok sa Witness Protection Program (WPP) si suspended ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, kahit nagbunyag na ito ng kanyang nalalaman sa dayaan noong mga nakaraang halalan.
Ito ang binigyan diin ni Justice Secretary Leila de Lima dahil hindi naman ito nag-apply para mapasailalim sa WPP ng gobyerno.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Atty. Nena Santos, isa sa mga private prosecutors sa Maguindanao massacre case na haharangin nila ang anumang pagtatangkang mailagay si Ampatuan sa WPP, maging ito ay sa isyu ng massacre o kahit sa dayaan sa halalan.
Si Zaldy ay isa sa mga pangunahing akusado sa kontrobersiyal na kaso na ikinamatay ng 58 katao, kabilang na ang mahigit 30 miyembro ng media.
Naniniwala naman si Atty. Harry Roque, isa rin sa abogado ng mga biktima ng masaker, na malabong mapagbigyan ang kahilingan ni Zaldy dahil nakasubaybay umano ang buong mundo sa kontrobersiyal na kaso.
Sakaling makapasok sa WPP si Zaldy, malinaw ang nakasaad sa batas na mawawalan na ng hurisdiksiyon ang korte na may hawak sa Maguindanao massacre case kung saan isa siya sa mga pangunahing akusado.
Ibig sabihin, hindi na siya makukulong at mananatili siya sa isang safehouse at makakatanggap pa ng sustento mula sa gobyerno.
- Latest
- Trending