MANILA, Philippines - Hindi nagustuhan nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Francis Escudero ang pagsibak ni Pangulong Benigno Aquino III kay Customs Commissioner Angelito Alvarez, dahil para sa mga senador, dapat papuri ang tinanggap ng komisyoner mula sa Malacañang matapos nitong masawata ang smuggling sa Adwana at hindi pagkakasibak sa puwesto.
Magugunita na si Alvarez mismo ang nakatuklas sa pagkawala ng may 1,930 container vans na nakalusot sa Port of Manila (POM), Manila International Container Port (MICP) at X-Ray Division patungong Port of Batangas (POB) sa ilalim ng pamamahala ni District Collector Juan Tan.
Natuklasan din ni Alvarez na isang “Boy Valenzuela” at “Mitch Sales” ang nasa likod ng missing 1,930 container vans, kaya agad sinibak ng komisyoner ang POB district collector.
Matapos sibakin si Tan sa puwesto ay ipinagpatuloy ang imbestigasyon at pinakakasuhan sina Valenzuela at Sales.
Kaagad inimbestigahan ng Kongreso ang nasabing isyu at dito ay ibinunyag ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas na ang nasabing mga kargamento o malaking bahagi ng missing 1,930 container vans.
Ayon kina Lacson at Escudero, naniniwala sila na nasa “tuwid na daan” ang ipinaiiral sa Customs ni Alvarez at hindi umano ito dapat sinibak ng Pangulo, at sa halip ay dapat pa umano itong papurihan.