Mike A kakasuhan din ng Senado, ayon kay Lacson
MANILA, Philippines - Maaari ring magsampa ang Senado ng hiwalay na kaso laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo at sa iba nitong kasamahan na sangkot umano sa P105 milyong “sapilitang” pagbili ng gamit nang helicopter ng Philippine National Police noong taong 2009.
Ito ang inihayag kahapon ni Senador Panfilo Lacson kasunod ng kasong plunder na isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Ombudsman laban kay Arroyo at iba pang dating mga opisyal ng Department of Interior and Local Government at PNP kaugnay ng anomalya sa biniling overpriced na mga helicopter na ang dalawa ay segunda mano.
Sinabi ni Lacson na ang kasong kriminal na maisasampa ng Senado ay ibabatay sa mga katibayang nakalap sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Natunton sa imbestigasyon ng komite na nagmay-ari sa mga helicopter na ibinenta sa PNP ang LTA Inc. na pag-aari ni Arroyo.
Kabilang umano sa maari pang kasuhan sina Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo, Rowena del Rosario na tauhan ng kongresista at si Atty. Lope Velasco.
Matatandaan na si Lacson ang nagbunyag ng maanomalyang pagbili ng helicopters ng PNP kung saan pinalabas ang mga itong brand new kahit nagamit na ng pamilya Arroyo.
Naunang lumutang ang pangalan ng dating Unang Ginoo na may ari ng mga helicopters pero inako ito ng kaniyang kapatid na si Iggy at pinalabas na nirentahan lamang sa Lionairs ang mga helicopters.
- Latest
- Trending