MANILA, Philippines - Hanggat hindi umano nahuhuli si Libyan President Muammar Gadhafi ay hindi maiibsan ang problema sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.
Sinabi ni Energy Undersecretary Jose Layug na pataas pa umano ang “trend” sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado taliwas sa inaasahan ng ilang eksperto na bababa na ito dahil sa pagkakatalsik sa puwesto kay Gaddafi.
Mas mataas ang presyo ng langis ngayong linggo kumpara nitong lumipas na linggo ngunit umaasa sila sa posibilidad na mag-flat o huminto ito upang hindi labis na maapektuhan ang presyo ng lokal na petrolyo sa bansa.
Ipinaliwanag ni Layug na nangyari na ang biglaang pagbaba ng presyo ng langis sa internasyunal na merkado noon nang mapaslang ng puwersa ng Estados Unidos ang kilabot na terorista na si Osama Bin Laden at pagkakaaresto kay dating Iraq President Saddam Hussein.
Itinanggi naman ni Layug ang akusasyon ng mga militanteng grupo ng sabwatan nila sa mga kumpanya ng langis makaraang paratangan na sila mismo ang nag-eengganyo sa oil hike sa maagang pag-aanunsyo ng pagtaas ng langis.
Iginiit nito na inihahayag lamang nila ang komputasyon nila base sa lingguhang presyuhan ng gasolina sa international market upang makapaghanda ang mga motorista.