10,000 nurses kukunin ng DOH
MANILA, Philippines - Mababawasan ang bilang ng mga ‘nabuburo’ nang nurses sa bansa dahil sa panibagong 10,000 nurses na nakatakdang i-recruit ng Department of Health (DOH) para isabak sa programang Registered Nurses for Health Enhancement and Local Services (RN HEALS).
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, noong Enero ng taon ang unang sigwada sa pagkuha ng 10,000 nurse sa nasabing programa para sa rural community service sa may 1,200 liblib na komunidad na hindi abot ng health care.
Ang mga registered nurses ay sumasailalim muna sa masusing pagsasanay bago tuluyang ipadala sa mga lalawigan.
Layunin din ng programa na mapa-angat ang nurse-patient ratio sa mga pampublikong ospital sa bansa na mula sa 1:30 sa ideal 1:12 ratio o isang nurse kada 12 pasyente.
Sila ay tatanggap lamang ng P10,000 monthly allowance, na ang P8,000 ay babalikatin ng pondo ng DOH habang ang local na pamahalaan naman ang magpupuno sa kakulangang P2,000.
Makakatuwang din ng pamahalaan ang mga nurse sa health services na ipagkakaloob sa mga pasyenteng nasa Conditional Cash Transfer ng pamahalaan.
- Latest
- Trending