Presyo ng sardinas tataas
MANILA, Philippines - Nakatakdang tumaas ang presyo ng limang brand ng sardinas alinsunod sa pag-apruba ng Department of Trade ang Industry (DTI) sa hinihirit na dagdag presyo ng limang manufacturers na magiging epektibo sa darating na buwan ng Setyembre.
Anim na porsiyento o katumbas ng 25 hanggang 30 sentimos kada lata ang hinihinging dagdag presyo ng apat na sardines manufacturers habang 75 sentimos naman ang isang manufacturer.
Dahil dito, mula sa kasalukuyang P12.25 presyo nito, ito’y magiging P13.25 bawat lata.
Paliwanag ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, sa pag-aaral ng ahensiya sa hinihiling na dagdag presyo ng mga manufacturers ay nakitaan nilang may sapat na dahilan ang mga ito upang magtaas ng presyo.
Ang mataas umanong halaga ng gas na ginagamit sa fishing vessel gayundin ang mataas na presyo ng isda tulad ng tamban na siyang ginagamit sa paggawa ng sardinas ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng sardinas.
Ngunit nilinaw naman ni Maglaya na kung may pagtaas sa presyo ng sardinas, asahan naman ang pagbaba ng presyo ng tinapay.
Ito’y dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng presyo ng trigo sa world market na pangunahing sangkap sa paggawa ng harina.
Nagpahiwatig na umano ang bakers group kaugnay sa plano nitong pagbaba sa presyo ng tinapay.
- Latest
- Trending