LPG bill pinababago
MANILA, Philippines - Ilang kongresista ang nagpupursigeng marepaso ang isang panukalang-batas na magbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Department of Energy para sa pagpapataw nito ng regulasyon sa operasyon ng industriya ng liquefied petroleum gas.
Sinabi nina Reps. Neri Colmenares ng Bayan Muna at Ben Evardone ng Eastern Samar na bubusisiin nilang muli ang panukalang-batas o bill na inaprubahan ng Committee on Energy at ng Committtee on Trade and Industry ng House of Representatives.
Sinabi ni Evardone na kailangang amyendahan ang ilang bahagi ng bill na makakadiskaril sa operasyon ng maliliit na kumpanya o negosyante sa LPG industry.
Ibinunyag ng Liquefied Petroleum Gas Refillers Association noong nakaraang linggo na, kapag naging ganap na batas ang naturang bill, makokontrol ng mga multi-national oil companies ang industriya na tulad ng nangyari sa petroleum industry.
Sinasabi ni LPGRA President Bernie Bolisay na sinusugpo ng bill ang layunin ng oil deregulation law bukod sa kontra ito sa mga konsyumer.
Pero sinabi ni Colmenares na kailangan munang aprubahan ng mga mambabatas sa second reading para naamyendahan ang Substitute Bill No. 5052 na magtatatag ng regulatory framework para sa ligtas na operasyon ng LPG
Nagbabala rin ang LPG Refillers Association (LPGRA) na, kapag naaprubahan ang “LPG Safety Act,” magkakaroon ng kakulangan sa LPG cylinder at posibleng mamanipula ito ng major industry player.
- Latest
- Trending