CGMA inabswelto kay Jonas Burgos
MANILA, Philippines - Kinatigan ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng Korte Suprema na pagtatanggal sa pangalan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo bilang isa sa mga respondent sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.
Sa resolusyon ng Special Former Seventh Division ng Court of Appeals na pinonente ni Associate Justice Rosalinda Asuncion-Vicente, muli ring nagpalabas ang appellate court ng Writ of Habeas Corpus.
Inaatasan ng CA sa nasabing resolusyon sina Lt. Harry Baliaga Jr., AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr., Philippine .Army Commanding General Maj. Gen. Arturo Ortiz at Lt. Col. Melquiades Feliciano para i-produce o ilabas si Burgos at ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat mailabas mula sa kulungan.
Si Baliaga ng 56th Infantry Batallion at 7th Infantry Batallion ng AFP ang tinukoy sa ulat ng Commission on Human Rights (CHR) na kasama umano sa mga dumukot kay Burgos.
Binigyan din ng CA ng 15 araw sina AFP Judge Advocate General Brig. Gen. Gilberto Jose Roa; dating AFP Chief of Staff at ngayon ay Immigration Commissioner Ricardo David para magpaliwang kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt.
Nauna nang nagpalabas ang Korte Suprema ng Writ of Habeas Corpus kung saan inaatasan nito ang AFP na ilabas ang aktibista.
Samantala, iniutos din ng CA ang pagsasailalim sa mga testigong sina Jeffrey Cabintoy at Elsa Agasang sa Witness Protection Program (WPP) ng DoJ.
- Latest
- Trending