MANILA, Philippines - Naniniwala ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na sangkot si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo sa pamamagitan ng pagpopondo sa isang “security force” upang magsagawa ng destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong NoynoyAquino.
Ayon sa isang senior intelligence official na tumangging magpabanggit ng pangalan, kabilang sa mga plot ay ang tensiyon sa Mindanao sa pamamagitan ng mga sunud-sunod na pambobomba.
Matatandaang isang pagsabog ang naganap sa Tacurong, Sultan Kudarat noong nakaraang linggo na ikinasawi ng isang board member.
“We have been receiving reports that Mr. Arroyo has been meeting with some key personalities in the previous administration,” giit ng opisyal.
Kasalukuyang bineberipika rin ng militar ang ulat na sina dating Defense Chief Norberto Gonzales at Linda Montayre ay nagsasagawa ngayon ng pagpupulong sa No. 1356 Dasmariñas Village, Makati.
Nabatid na ang security force ay kinabibilangan ng ilang retired military generals at target ngayon ng monito ring ng administrasyon dahil sa pagiging kaalyado ng Arroyo administration.
“The force’s focus is to sow chaos in volatile Mindanao and then orchestrate their moves in Metro Manila,” dagdag pa ng intelligence officer.
Ang destabilization plot ay katulad ng “Oplan August Moon,” na binuo ng mga military officials na galit sa Arroyo administration.
Nais ng grupo na gumawa ng gulo at kalituhan sa pamamagitan ng pambobomba, assasinations ng ilang government officials at miyembro ng media kung saan ituturo ang New People’s Army at Abu Sayyaf Group na responsable.