MANILA, Philippines - Sa halip na tatlong buwan, inumungkahi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gawing dalawang buwan ang itatagal ng pansamantalang pag-ban ng panghuhuli ng sardinas o isdang tamban sa Zamboanga, ang sardines capital ng bansa.
Ayon kay BFAR director Asis Perez, batay sa kanilang pag-aaral tatagal lamang ng halos dalawang buwan ang pangingitlog ng mga isdang tamban, na pangunahing dahilan kung bakit iminungkahi ang pansamantalang pagbabawal ng panghuhuli ng sardinas sa probinsya.
Sinabi ni Perez, sa pag-aaral na kanilang ginawa, November hanggang December nagsisimulang mangitlog ang isdang tamban. Kung mabibigyan laya ang mga isda laban sa mga lambat ng mga mangingisda, mabibigyan pagkakataon ang mga ito na mailuwal ang mga itlog at mabuhay ang milyon-milyong maliit na tamban.
Dahil dito, naniniwala si Perez na hindi rin magtatagal ang posibleng pagtataas sa presyo ng bawat lata ng sardinas, dahil mas dodoble pa ang mahuhuling tamban sa karagatan.
Una ng nagmungkahi ang Fisheries and Aquatic Resources Management Council na gawing tatlong buwan ang pagbabawal sa panghuhuli ng tamban sa karagatan na magsisimula ng November at magtatapos ng Enero ng susunod na taon.