MANILA, Philippines - Ipinahinto ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng kanilang smoking ban sa EDSA, kasama na ang iba pang mga lansangan at sidewalk dahil ito umano ay labag sa batas.
Sa anim na pahinang utos na inilabas noong Aug. 15, 2011, sinabi ni RTC branch 213 Judge Carlos A. Valenzuela na kailangan din magbayad ng MMDA ng halagang P100,000 sakaling ang huli ay matalo sa kaso.
Inilabas ang TRO matapos maghain ng reklamo sina Antony M. Clemente at Vrianne I. Lamson na nahuli ng MMDA na naninigarilyo sa isang sidewalk sa EDSA sa unang araw na pasimulan ang programa.
Sinabi nina Clemente at Lamson, mismong ang Korte Suprema na ang nagsabing walang “police powers” ang MMDA dahil ito’y isang “development agency” lamang.
Wala rin umanong legislative authority ang MMDA para palawakin ang ibig sabihin ng “pampublikong lugar” batay na rin sa Republic Act (RA) 9211 o Tobacco Regulations Act.
Ito’y sinang-ayunan ni Judge Valenzuela at sinabing nakasaad na sa Republic Act 7924, o ang batas na bumuo sa MMDA, na walang police o legislative powers ang MMDA.
Hindi rin umano saklaw ng kapangyarihan ng MMDA na ipatupad ang RA 9211 dahil eksklusibong karapatan lamang ito ng Inter-Agency Committee na pinamumunuan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi rin ng korte na ang kahulugan ng “pampublikong lugar” ayon sa batas ay yung lamang “enclosed or confined areas” gaya ng mga ospital, clinic, eskwelahan, mga terminal ng pampublikong sasakyan, mga private and public offices, recreational places, shopping malls, sinehan, mga hotel, at mga restaurant.
“Consequently, open areas, such as thoroughfares or sidewalks, are not enclosed or confined areas. As such, they are not covered by the said restricted definition of public places,” nakasaad sa decision.
Sa huling report ng MMDA, as of August 15, 2011 ay umaabot na sa 5,730 na mga ‘yosi kadiri’ ang nadarakip ng mga enforcer ng ahensiya.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng kalungkutan si MMDA Chairman Francis Tolentino sa naging desisyon ng korte at nagsabing maghahain ng apila sa oras na matanggap nila ang kopya ng nasabing desisyon.