Pagpanaw ni CGMA itinanggi ni Pelayo

MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng kampo ni dating Pa­ngulo at ngayon ay ‘Pampanga Representative Gloria Arroyo ang napaulat na pumanaw na ito.

Itinanggi ni Candaba, Pampanga Mayor Jerry Pelayo na pumanaw  na ang dating pangulo, at sa katunayan ay patuloy na nagpapagaling ito sa St. Lukes Medical Center sa Taguig.

Sinabi ni Pelayo, na  huli niyang nakaharap at nakausap si Rep. Arroyo noong Sabado ng gabi sa isang misa sa ospital, at malakas naman umano ito.

Ang reaksyon ni Pelayo ay bunsod sa kumalat sa pamamagitan ng mga text message na namatay na raw si ginang  Arroyo, bunsod ng maselan nitong karamdaman sa cervical spine.

Dahil dito kayat umapela ang alkalde na huwag sanang magpakalat ng malisyosong balita hinggil sa dating pangulo.

Sa halip, umapela din si Pelayo sa taumbayan na ipagdasal ang recovery nito upang higit na magampanan ang tungkulin bilang isang mambabatas

Show comments