Party-list auditor inaresto sa kasong libelo
MANILA, Philippines - Dahilan sa umano’y walang basehan at malisyosong internet publications laban sa opisyal ng organisasyong kinaaniban, inaresto ng pulisya ang kasama ng isang partylist congressman.
Hindi na nakapanlaban pa ng arestuhin sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Marikina Regional Trial Court branch 263 Judge Armando Velasco si Reynaldo Golo, auditor ng Ating Koop party-list.
Si Golo ay liaison officer para sa mga proyekto sa tanggapan ni Ang Koop Rep. Isidro Lico kung saan inakusahan ang una ng libelo ni Roberto Mascarina na opisyal din sa nasabing party list organization.
Isinulong ng Office of the Prosecutor ng Marikina City ang kasong libelo matapos makitaan ng sapat na ebidensya ang reklamo ni Mascarina. Base sa reklamo, inilathala ni Golo sa email ang maling akusasyon na umano’y ginamit ng hindi tama ng huli ang pondo ng grupo.
Ang party list na Ang Koop ay binibira sa loob mismo ng kanilang mga pinuno kasunod ng pagsasampa ng kasong graft at malversation of public fund laban kay Lico dahil sa umano’y hindi paggamit ng tama sa bahagi ng pork barrel ng grupo upang magtayo ng isang pribdong resort sa Laguna.
Sa inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman ni Rene Estrada, miyembro ng Ating Koop, ginamit din nina Lico at Arenas ang pork barrel bilang pondo sa protest rally laban sa kontrobersyal na Reproductive Health bill.
Pinabulaanan naman ni Lico na ginamit nila ang pondo para sa anti-RH rally at sinabing ang pork barrel ay gagamitin upang magtayo ng training center na papatakbuhin ng Philippine Resortel Educational Service Cooperative (PRISCO) subalit ang pagtatayuan nito ay dating pag-aari ni Fr. Mar Arenas, pangulo ng Ang Koop.
- Latest
- Trending