Power hike kinondena ni Tiangco
MANILA, Philippines - Mariing binatikos kahapon ni Navotas Congressman Toby Tiangco ang pagtataas ng Manila Electric Company ng singil sa kuryente kahit umabot na sa P6.1 bilyon ang kinita nito sa unang hati ng taong 2011.
Kaugnay nito, nanawagan si Tiangco sa House of Representatives Committee on Energy na isama na sa adyenda nito ang House Bill 3253 na isinampa niya noong Setyembre 21, 2010.
Sa HB 3253, ayon kay Tiangco, binabawalan ang electric companies na ipasa sa mga konsyumer nito ang tinatawag na systems loss charge.
Pinuna ni Tiangco na, sa umiiral ngayong batas, pinapayagan ang electric companies na bawiin sa kanilang mga konsyumer ang halaga ng naturang systems loss na bunga naman ng hindi mahusay na transmission at pagnanakaw.
Pero sinabi ng mambabatas na dahil wala namang naibigay na serbisyo sa mga konsyumer ang naturang systems loses, walang dahilan para ipasa ito sa mga konsyumer.
Layunin ng HB 3253 na buwagin ang nakagawiang pagpasa sa mga konsyumer ng naturang systems loses.
- Latest
- Trending