P153-B lugi ng Pinas dahil sa trapik
MANILA, Philippines - Nalulugi ang Pilipinas ng halos P153 bilyon kada taon dahil sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko lalo na sa Metro Manila.
Sinabi ni 1-Utak party list Rep. Homer Mercado, base sa pag- aaral ng Filipinas magazine na nakabase sa San Francisco California, halos $1 bilyon ang nawawala dahil nasasayang sa gasolina, elektrisidad, oras ng tao at pagbabayad sa traffic aides samantalang ang natitirang $26 bilyon ang nawawala at nababawas sa mga kita at investment incentives.
“The study added that total loss would exceed US$36 billion in ten years, noting that the average speed of a vehicle has slowed to 12.6 kilometers per hour today from 18 kilometers per hour ten years ago,” ayon kay Mercado.
Sinisi ng kongresista ang lumalalang sitwasyon sa trapiko sa Metro Manila dahil sa naglipanang operasyon at ng mga colorum at kambal plaka na sasakyan sa kabila ng mga pagbabawal ng ibat ibang transportation agencies.
Dahil dito kayat hiniling ni Mercado sa House Committee on Transportation na pag-aralan kung epektibo ba ang ipinatutupad na programa ng mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang naturang problema.
Sa inihaing House Resolution No. 1441 ni Mercado, partikular na hiniling nito na imbestigahan ang ulat na lumabas noong September 6, 2009 na inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) upang i-impound ang 40,754 colorum na sasakyan na hinihinalang nabigyan ng plaka na nakatalaga na sa mga public utility vehicles upang magamit sa pamasada.
Base pa umano sa audit ng COA natuklasan na nagrehistro ang LTO ng 297,769 units ng sasakyan noong 2009 subalit base sa record ng LTFRB 255,015 units lamang ang nabigyan ng franchise to operate bilang public utility vehicles.
- Latest
- Trending