MANILA, Philippines - Nagdesisyon na ang liderato ng Kamara na suspendihin ang lahat ng deliberasyon kaugnay sa mga panukalang naglalayong amyendahan ang ‘excise tax law’ partikular ang mga nakabinbin sa House Committe on Ways and Means.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, ang direktiba ay bilang pagtalima ng Kamara sa apela ng Distilled Spirits Association of the Philippines o DSAP na ihinto muna ang mga pagdinig habang isinusulong pa ng pamahalaan ang pagbaligtad ng World Trade Organization sa ruling nito na nagdedeklarang ang local taxes sa distilled spirits ay mayroong diskriminasyon kumpara sa mga dayuhang marka o brand.
Kinumpirma ni Belmonte na personal na nakausap niya ang mga opisyal ng DSAP noong Martes upang hilingin ang suspensyon ng congressional hearings sa mga panukalang nagpapataw ng karagdagang buwis sa mga ‘distilled spirits.’
Nauna nang sumulat ang DSAP kina Belmonte at House Committee on Ways and Means chairman Hermilando Mandanas para ihirit na ipatigil muna ang mga pagdinig hinggil sa proposed excise tax amendments. Giit ng DSAP, kinakailangan nila ng tulong ng Kongreso lalo pa’t sangkot dito ang ‘economic interest’ ng bansa.
Tiniyak naman ni Belmonte na magpapadala ang Mababang Kapulungan ng mga kinatawan sa mga pagdinig ng WTO upang suportahan ang posisyon ng Pilipinas na sumasalungat sa inaako ng Spain at Amerika na ang lokal na buwis na ipinapataw sa mga alak at iba pang distilled drinks ay discriminatory.