Foreigners na naka-sando, tsinelas bawal sa immigration
MANILA, Philippines - Hindi na makapapasok sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Maynila ang mga dayuhan at publiko na naka-shorts, sando at naka-tsinelas matapos na magpalabas ng direktiba si Immigration Commissioner Ricardo David Jr., sa mga kawani ng Civil Security Unit (CSU).
Ayon kay David, dapat pangalagaan ang imahe ng bansa at tanggapan na unang ahensiya ng pamahalaan na pinupuntahan ng mga dayuhang nais pang manatili sa Pilipinas. Nararapat lamang ang wastong pananamit kung magtutungo ang mga banyaga sa kawanihan.
Inatasan din nito ang mga tanggapang nagbibigay ng tinatawag na frontline services tulad ng Visa Extension, Student Desk at Alien Regulation Division na huwag asikasuhin ang papeles ng mga nagpupunta doon na hindi akma ang pananamit.
Sinabi ni BI administrative chief Felino Quirante Jr. na ang kawanihan, tulad ng iba pang tanggapan ng pamahalaan, ay dapat magpatupad ng dress code dahil hindi lamang mga dayuhan ang kanilang pinaglilingkuran kundi maging ang mga kababayang nangangailangan ng dokumento para sa kanilang paglabas at pagpasok sa Pilipinas.
Sa ibang bansa anya ay hindi nakapapasok sa mga immigration office ang mga Pilipino na naka-short, sando at naka-tsinelas lamang.
- Latest
- Trending