Santiago binigyan ng ultimatum ng PNP
MANILA, Philippines - Binigyan na kahapon ng ultimatum ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Raul Bacalzo si Sr. Supt. Rafael Santiago at 5 pang kasamahan nitong pulis na lumutang sa Camp Crame at kung hindi ay patatalsikin na sa serbisyo.
“If he does not report from PNP, he will be drop from rolls,” babala ni Bacalzo.
Si Santiago at mga kasamahan nito ay umaming nag-switching umano ng mga Election Returns (ERs) sa Batasan Pambansa noong May 2004 national elections upang tiyakin ang panalo ng noo’y si presidential candidate Gloria Macapagal Arroyo laban sa katunggali nitong si yumaong action king Fernando Poe Jr.
Sinabi ni Bacalzo na nakipag-usap na siya kay Justice Secretary Leila de Lima na sinabi sa kaniyang wala sa kustodya niya si Santiago.
Una nang lumantad si Santiago at ibinulgar na inutusan umano silang mag-switching ng ER’s sa Batasan Pambansa ng noo’y si dating PNP Chief at ngayo’y Zambales Governor Hermogenes Ebdane bagay na itinanggi naman ng huli.
Sa panig naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., sinabi nitong isasailalim sa proseso si Santiago na konting panahon na lamang ang nalalabi ay madidismis na sa PNP kapag nagmatigas pa ring lumantad at magpaliwanag sa kaniyang Absent Without Official Leave (AWOL) status.
Ayon kay Cruz lahat ng benepisyo para kay Santiago at maging sa mga kasamahan nito ay mawawala kapag napatalsik ito sa roster ng PNP.
- Latest
- Trending