MANILA, Philippines - Nanguna sa tatanggap ng parangal ang isang babaeng hepe na buong tapang na sumilat sa pag-atake ng 250 rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Trento, Agusan del Sur sa gaganaping ika-110 taong paggunita sa Police Service Anniversary sa Camp Crame, bukas.
Ang okasyon ay dadaluhan ni Pangulong Aquino bilang guest speaker at panauhing pandangal.
Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo gagawaran ni Pangulong Aquino ng Medalya ng Katapangan si P/Sr. Inspector Charity Galvez, hepe ng Trento, Agusan del Sur. Si Galvez, sa kabila ng pagiging babae nito ay nagpakita ng katapangan at husay nang pangunahan ang may 30 miyembro ng Trento Police Force sa pakikipaglaban sa umatakeng 250 NPA rebels na tinangkang makubkob ang kanilang himpilan pasado alas-5 ng umaga noong Hulyo 30, 2011.
Pararangalan rin sa posthumous promotion na tatanggapin ng kanilang biyuda ang dalawang nasawing pulis na sina SPO2 Ricky Agwit at SPO2 Jeff Domingo sa rescue mission sa DENR foresters na biktima ng landslide sa lalawigan ng Ifugao sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Juaning.
“Both deceased police officers will be posthumously promoted to the next higher rank of Senior Police Officer 3 in recognition of their “selfless sacrifice”, anang PNP Chief.
Kabilang rin sa mga tatanggap ng award si Chief Inspector Allan Umipig, hepe ng District Intelligence Operation Unit ng Southern Police District na buong tapang na nakipagbarilan sa mga miyembro ng robbery/holdup gang sa Sucat, Parañaque City noong Hunyo 4 , 2011.
Samantala tatanggapin naman ng Cordillera ang Police Regional Office of the Year award.