Mga delikadong glutathione nagkalat
MANILA, Philippines - Bagaman at itinuturing na “prescription drug” o dapat ay may reseta ng doktor, nagkalat na ngayon sa merkado ang iba’t ibang uri ng glutathione dahil sa dami ng mga gustong pumuti ang balat kahit ang ilan ay nakakapagdulot umano ng pinsala sa utak, bato, baga at iba pang bahagi ng katawan ng tao.
Sa hearing ng Senate committee on trade and commerce na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar, ibinunyag ni Aileen Lucero ng Ecowaste Coalition na talamak pa rin ang bentahan ng iba’t-ibang brand ng glutathione.
Sinabi ni Lucero na marami sa brand ng glutathione ay ipina-recall na ng Foods and Drugs Administration (FDA) dahil sa peligro sa kalusugan.
Isinalaysay ni Lucero na bumili sila ng 12 brand ng glutathione sa mga tindero sa Quiapo, sa mga Chinese drugstore sa Metro Manila upang maipasuri.
Lumabas umano na sa 12 brand ng glutathione, 11 dito ay may mataas na level ng mercury na delikado sa kalusugan.
“Mula sa doseng produkto, eleven po doon ang mayroong mataas na mercury mula sa 1,085 to 28,600 parts per million na way above sa one parts per million allowable na sinet ng FDA,” pahayag ni Lucero.
Ang sobrang exposure umano ng isang tao sa mercury ay nakakapagdulot ng pinsala sa kanilang utak, kidney, lungs, reproductive health, immune system, hematologic system o sa dugo.
Marami umano ang naeengganyo na bumili ng glutathione dahil ang ilan sa mga ito ay mula P80 hanggang P200 lamang ang presyo lalo na ‘yong mga ipinapahid lamang sa katawan o mukha.
- Latest
- Trending