P12-B para sa pension ng senior citizens
MANILA, Philippines - Naglaan na ang gobyerno ng halos P12 bilyon para sa P500 buwanang pensions ng mahigit sa 198,000 senior citizens para sa susunod na taon.
Sinabi ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang karagdagang bagong pondo para sa Social Pension for Indigent Senior Filipino Citizens ay nakapaloob sa panukalang P1.816-trilyong national budget para sa 2012.
Ang P1.2 billion ay mataas ng 38% o P329 million, sa P871 milyong alokasyon ngayon taon para sa Department of Social Welfare and Development (DWSD) program.
Ang naturang allowance ay ibibigay sa mga seniors na may edad 75 anyos pataas na walang tinatanggap na old-age pensions mula sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS).
Tinukoy din nito ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno na ipinamamahagi bilang conditional cash grants sa may 2.3 M pamilya.
Samantala, sinabi ni Barzaga na nasa 1.2 milyong senior citizens ang nakatakdang bakunahan laban sa influenza at pneumonia sa susunod na taon.
Mataas ng 35% ang 334,050 para sa susunod na taon kumpara sa 865,950 seniors na target para sa mabakunahan ngayon taon.
Ang pondo para sa nasabing pagbabakuna ay kukunin sa P2.5-billion allotment para sa family health sa susunod na taon.
- Latest
- Trending