Stamp sa Phl passport na 'Not Valid for Travel to Iraq' inalis na
MANILA, Philippines - Inalis na ang stamp na “Not Valid for Travel to Iraq” na karaniwang nakikitang nakatatak sa ikatlong pahina ng mga pasaporte ng Pilipinas.
Gayunman, nilinaw kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang pagtatanggal ng nasabing tatak o stamp ay hindi nangangahulugang inaalis na ng pamahalaan ang deployment ban sa Iraq.
Sinabi ng DFA, nananatiling ipinatutupad ng pamahalaan ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga OFW sa mga bansang Iraq, Nigeria, Lebanon, Afghanistan at Jordan
Nagpadala na ng isang liham ang DFA sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may petsang Hulyo 1, 2011 na nagsasaad na lahat ng ipoproseso na pasaporte ay hindi na lalagyan ng tatak o stamp na “Not Valid for Travel to Iraq” sa limitation page nito.
Ang pag-aalis ng stamp ay base umano sa naging desisyon ng mga concerned government agencies na may trabaho sa pagbibigay ng tamang impormasyon para sa mga OFWs hinggil sa mga employment ban na dapat ay magmumula sa POEA sa pamamagitan ng pagpapalabas ng travel advisories at labor deployment bans sa OFWs.
- Latest
- Trending